Monday, May 28, 2007

Banal na Santacruzan sa Buwan ng Mayo

Mayo nga pala
kaya sunud-sunod ang mga lakaran
may imbitasyon sa ihawan
birthday celebration ng
mabait na kapitbahay
kaarawan ng anak
bisita'y mga ninong at ninang
anong ibibigay sa mayaman
na bayaw na ipinanganak din
sa buwan ng Mayo
buwan ng mga bulaklak
kung ang April ay maulan
bigyan kaya ng donation slip
para siya ang magbigay
ng tulong sa aming proyekto
empowerment at iba pang mga plano
ng mga kababaihan
dahil sa aming nalalapit
na meeting at training
pamasahe man lang wala pa rin
paano na lang ang aming
mga pangarap na maging
matatag sa sariling sikap
malayang pag-iisip
walang magdidikta
kung magkano ang aming dapat
gastusin sa bahay
sa anak, sa sarili namin
walang magsasabi kung
ano ang aming dapat gawin
gawang ang kita at hirap
ay galing sa sarileng sikap
at hindi lang abót ng asawang
sa tingin niya hari siyang
nagbibigay ng utos
kung kailan ngingiti at
luluha ang maybahay niyang
nakita sa catalogue
nakita ba ng lalake ang
kaniyang kaluluwa
kung numero lang ang nakilala
nabayaran ng salapi
ang pag-ibig na simula ay salat
yumabong kaya ang pagmamahalan
sa pangakong may magandang hinaharap
hindi lang ang batang kabiyak kundi
ang pamilyang naiwan sa
bayang naghihirap
paano ang tunay na pag-ibig
paano ang tunay na pananabik
malulunasan ba ng mapalasyong
bahay at regalong bigay
marahil
siguro nga
may katumbas talaga
kahit anong bagay?
eto ba sa buwan ng Mayo
ang marami sa
ating mga kababaihan
eto ba ang
dinadalang pansarileng
banal na santacruzan?

Ay modernang Reyna Elena
hanapin mo ang cruz
kung may kapalit na ligaya
pero ang bigat ay
huwag sarilinin
Kung may katumbas
ang pait
ang tamis
ay dapat mas
mahigit.

Sunday, May 20, 2007

Wolfowitz o Wollfowitz

Nakakatuwang nakakainis
ang buhay mag-asawa
sa kaunting bagay
nagbabangayan ba
hindi naman mabigat
ang pinagtalunan
namin ngayong Linggo
ng gabi
sa tutuo Lunes na nga
ng madaling araw
sa bansa kong pinanggalingan
nang tanungin si
kabiyak ng puso
kung si Ginong World Bank
ay Wollfowitz
o Wolfowitz
sagot niyang mabilis
isang L lamang
sabi ko hindi
tignan mo sa lahat
ng mga entries sa google
lahat ay Wollfowitz
Hindi, hindi, hindi
matunog niyang kontra
at nagpustahan pa kami
isang libo sa akinng pusta
dalawang libo ibibigay niya
kung doubleng L
ang apelyido ni Ginoong World
Bank na ayon kay George Bush
ay hinahangaan niyang tapat
dahil may puso
sa mga mahihirap!

Bukas na bukas din
bibile ako ng Herald Tribune
New York Times etc, etc
nang makita mong isang L na letra
sabi ng kabiyak ng puso
ngayong mukhang inis na inis na
gawang nagmamatigas pa ako
at nangatwirang sa Aleman
baka isang letra
pero sa ibang wika, iba
etcetera, etcetera.

Hay Paul Wolfowitz o Paul Wollfowitz
bakit pati ang buhay ko
dating nanahimik
dahil sa pangalan mo
kung isa o dalawang letra
parang Iraq ngayon
na binobomba
bukas ng umaga
sino kaya
ang huhusgas
sa pustahan naming mag-asawa?

Pahabol:
Habang ako ay nagpopost
ng tula itong may pangalan George Bush
World Bank at Wolfowitz o Wollfowitz
Biglang nawala ang koneksyon
sa aking WILAN
parang sinumpong
Ayan, sabi ko
sabi sa yo
may nagbabantay
sa aking mga posting
nakaabang sa aking mga
sulatin
interesado kaya ang BND o CIA
sa mga tula
ni bituing marikit
kasi nalalapit
na ang konperensiya
ng G8 o G it?

Tuesday, May 15, 2007

Ang Aking Kapitbahay at Ating Eleksyon

Lunes ng hapon
dala ko pa ang nabileng grocery
habang naghihintay ng senyas na berde
sa may crossing
naisip ko bigla ang aking kapitbahay
halos mahigit ng isang buwan
hindi kami nagkakabalitaan
ano kaya ang aking sasabihin
kung bigla niya akong babatiin
bakit hindi man lang ako makalipat
sa kanila
para miski humiram ng itlog
arina kaya o asin.

Iniisip ko pa si Frau Scholze
habang tumatawid ako ng kalsada
papunta sa aming tirahan
nang bigla ko siya matanawan
nakasakay sa kotse niya
sa akin kumakaway.
Mental telepathy to
natawa ako
o matagal na niya akong
pinagmamasdan
habang siya din ay naghihintay
ng senyas ng trapiko
yun human Wilan namin
umaandar.

Nag-abot kami sa harapan ng bahay
nagkamustahan
dala dala niya isang portabol
na sewing machine o makina
ako naman toilet paper at delata
dalawang maybahay
Isang Pinay, isang Aleman
unang araw ng linggo
nagkwentuhan
sa may hagdanan.

Aba siyanga pala sabi niya
nandiyan na yung order kong mga wine
dalawang bote sa yo nakalaan
kukuhanin ko sa cellar
mamaya
pagpasok natin sa bahay.

Sa madali't sabi nabigay sa
akin ang dalawang bote
huwag na lang daw
akong mag-alala
ang alak naman ay libre
sa susunod na lang
ang bayad
sa susunod na delivery.

Ay sa tutuo lang
mabait na kapitbahay sila
mahirap makita
sa buhay siyudad
sa Alemanya.

At bago ako nakapasok
sa aming sarileng bahay
dumating si Ginoong Scholze
kami din'y nagbatiian
nagkamayan
ang tanong sa akin
tutuo ba sa inyong bayan
kada ikatlong botante
ang boto ay mabibile
tutuo ba
o exaherasyon lang ng medya?

Ay sabi ko lang,
Ay hindi naman
depende siyempre kung saan
may mga lugal na
ang ibig sabihin ng boto
nila ay kwarta at pagkain
mukhang naman naniwala si
Ginong kapitbahay
bago kami naghiwalay.

Nang salubungin ako
ng asawang giliw
naikwento ko ang aming
enkwentro
ng aming mabait na kapitbahay
yun babae may alak sa atin
yun lalake may tanong sa
elektioneering
kung tutuo daw na
bawat ikatlong botante
ang boto ay mabibile
Sagot ni giliw
Oy hindi,
sabihin mo
mali
kasi kada ikadalawa
nagbebenta.

Sunday, May 13, 2007

Domestic Queen or Araw ng Kananayan

 

Araw ng mga ina
sa ikalawang Linggo ng Mayo
naalala ko pa
gumagawa kami ng cards
sa eskwela
ibibigay sa inang mahal
sa araw ng mga nanay.

Ano kayang ginagawa
ng aking mga kaibigan
Sa araw na ito
na dapat wala silang
pagkakaabalahan
ang mga bata
ang maghahanda ng kanilang
almusal
may cake pang ginawa
ang mga mahal na anak
pakiwari ng ina siya
ang reynang ganap
sa maliliit na regalo
bulaklak, drawing kaya o perlas?

Sabi ng kabiyak ng puso
ngayon araw na ito
di kailangan niyang magluto
para sa pamilya
sa labas ang kain nila
pero si ina
di mapalagay
ilang araw pa lamang
handa na ang
cake, ginawa niya
o pinaorder sa kaibigan
o binile ng Sabado ng hapon
putaheng espesyal
buwan ng mayo
tiyak na asparagus
at patatas
sa butter kasama ng hamon
hindi baleng
tumaas ang alta presyon
minsan lang naman sa
isang taon
ang katwiran ng ina
pero sa tutuo lang
lingo lingo
karne na may salsa
ang pagkain ng pamilya
saan ba napunta
ito aking estoria
sa Araw ng mga Nanay


Araw ng mga Ina
araw nga ba ng pahinga?
Posted by Picasa

Tuesday, May 08, 2007

Happy Birthday Mga Kaibigan

8 ng Mayo
Dalawa sa mga malapit na kaibigan
siguradong may handaan
Birthday nila ngayon
isa nasa Holland
ang isa naman ay nasa Amerika
di sila magkakilala
pero di bale
pareho naman
sila ng araw ng kapanganakan
Isa ay Ilonga
maliit at maganda
yun isa naman ay Tagala
payat mukhang Espanola
American citizen si Edith
Dutch naman si Hermie
Isang amerikana
at isang Dutch na Pinay
matagal na nilisan ang bayan
si Hermie mas malimit kong makita
lagi akong may libreng meryenda
sa Hog Katherijn o sa bahay
nila sa Utrecht
Peace Zone kong tawagin
gawing laging may pagkain
may take home pa
ang mga bisita!
Si Edith naman
ay sos, ang layo ng lugar
kapiling ang mga bear sa Alaska
pero balita ko malimit siya
sa Florida
aha, senior citizen ka na ba
gusto ko siyang tanungin
sa susunod na emailan namin.

Monday, May 07, 2007

Unang Ulan sa Buwan ng Mayo

Sa wakas sa ika-pito ng buwan ng Mayo
ngayong araw ng Lunes
bagong linggo
dumating ang ulan
17 degrees
ang temperatura
sabi sa radyo
walang patid
ang patak
ang mga halaman ko'y
mandin humahalakhak
umuugoy sa hangin
nililinis ang mga
alikabok
sa kanilang dahon
halos natuyo
sa init ng nakaraang Abril
walang patid
ang patak
naalala ko bigla
ang bayaw kong
may birthday kahapon
ang sabi sana naman'y
huwag umulan sa linggong ito
mayroon silang
tennis competition.

Sunday, May 06, 2007

Naghihintay ng Ulan

Sabi ng weather bureau sa Alemanya
ngayong gabing Linggo ay uulan
at sa hapon pa lang walang araw
maghapon naghintay
ni isang patak walang
humalik sa aking mga halaman
hayun sila lahat nakayuko
habang ang maybahay
abala sa pagkagawa ng
bagong design
sa kaniyang blog
o mga blogs
ano ba
tong katuturan
ni walang panahon mag-ayos
ng nakatambak na mga damit
ilang araw na ang nakaraan
tumataas na sa ibabaw ng mga
silya at upuan
habang ang mga alikabok
ay nagaanyaya na silang
sulatan
sa kapal
puede ang isang liham
Tanong ng kabiyak ng puso
kailan ka kaya
gaganahan
mag-ayos ng iyong bahay
ang sagot ko
tanunging ang Google
ang Blogger
ang mga chatmates
ang Skype
ang E-bay
kailan sila
magsasawa sa panunukso
sa akin
isang dakilang
moderna
maybahay.