Wednesday, March 19, 2008

Isang Silid na Puno ng Liwanag ng Bagong Buwan

Alas singko medya pa lang ng hapon
Nang pumasok ako sa aming silid tulogan
Pinaliwanag ng bagong buwan
Ang puting kobre kama na bumubusilak
Sa gitna ng kadiliman. Kay ganda ng gabing ito
Ng Disyembre, may awit pati kama.

Ano't naisip ko kung ikaw ay nandito lamang
Magkayakap tayo sa ibabaw ng luntiang kama
Hindi baleng walang kurtina
Di naman tayo matatanaw
Ng mga kapitbahay na hindi ko pa nakikilala ni nakikita.

Matagal akong napatingin sa kamang busilak sa kaputian
Nakadama ng kung anong pangungulila at
Ang napag-ukulan ng pagmamahal ay ang kabayo ng plantsa
Dahil malayo ka
Kaya't ibinuwelta na lang ang nag-aalab na damdamin sa
Mga plantsahin
At kalimutan ang nagdadaang paggiliw.

(Isang hapon ng Disyembre, 2003)

Bituing Marikit

Wednesday, March 12, 2008

Learn English and be Miss Universe?

May mga emails na lumilibot
panoorin daw sa Youtube
Eto be daw ang ating ilalaban
sa pagligsahan ng kagandahan.

Sa madali't sabi nakita
sa Youtube ang magagandang dalaga
may nainterview na, paborito daw si Mother Teresa
ay Susmarya, iha nasaan ang iyong saya
at ang iyong English ay pakanta-kanta
kakaiba, sinaulo mo ba?

Ang sumunod na kandidata
kapirangot din ang saplot niya
para silang lahat na manikang binihisan
iisa ang mga ngiti at tawa
pati na ang indak at kumpas ng mga kamay
aral na aral
mga buhay na estatwa, makikinis, magaganda.

Kung inyong napanood etong circus
alam na ninyo ang dahilan bakit may
tawanang mula sa mga nananood
at yun ibang mga judges ay hindi
malaman ang gagawin kung iiling o tatawa
bakit nga ba?

Sino ang lumalabas na katawatawa
Tayo din mga Pinay at Pinoy
na walang pagpapahalaga
sa ganda ng sariling wika
bakit kailangan pang mangaya ng iba?

Beauty and Brain na ba
kung walang mali sa pagsa salitang English
at puedeng patawarin ng English teacher
gawang bata pa siya at hindi sigurado
sa gamit ng they are or there are o
di ba talagang katawa-tawa
ang ginagawa sa ating mga dalaga?

Ewan ko ba pero ako galit din
kung ang mga pamangkin ko ay
sa akin susulat
Tita, I did not got
Aray! Ang sakit sa tenga
Pero sa tutuo lang
Bakit nga ba ang husgahan natin
sa tao eh kung magaling sa English
mambola.

Talk English and talk to the world
pero kung ang pagkatao mo ay
batay lang sa galing ng yong dila
mangaya ng banyangang salita
ano ang tunay mong pag-iisip
damdamin mo ba din'y hiram
sa mga banyangang sa yaman natin'y
nakikinabang kasama ng mga katutubo
tulad ng langgaw na nakatungtong sa kalabaw
nagsasalita sa English
ang mundo daw ang kaulayaw.

At mga dadating pang mga dalagita
nangangarap na maging reyna ng kagandahan
kahit typed si Mother Teresa
Beauty and Brain
Ano kayang magandang slogan
para sa mga contestants
Binibining Pilipinas
Learn English
and be Miss Universe.

Sunday, March 02, 2008

Bagong Buwan, Bagong Dalangin

Bagong Buwan, Buwan ng Marso
Buwan ng mga Kababaihan
sa Marso Otso
at sa ikapito naman
araw ng pandaigdig ng pananalangin
ng mga kababaihan
ano ang ating hihingi
ano ang ating mga dalangin
mula sa pangaraw-araw na kakailanganin
kalusugan, kaligayahan, kasaganaan
hanggang sa pandaigdig na kapayapaan
Harinawa
Tayo ay hindi lang nananalangin
Bibliya lang ang babasahin
o meditation maghapon at magdamag
ng mantang
kapayapaan
kalusugan
kaligayahan
kasaganaan
Tanungin natin ang ating sarili
ano na nga ba ang ating nagawa
mula nuong huling panalangin
sumakit lang ba ang ating mga tuhod
sa kaluluhod
tumaba lang ba sa kakakain sa libreng meryenda
pagkatapos ng mga prayer meeting o misa
gumaan ang pakiramdam
sa mahabang meditation
O mga kababaihan
Alamin natin
Ang kahulugan ng tunay na panalangin
Ay nakikita sa tunay na gawain.